Monday, August 18, 2014

Nagtataeng Bolpen

___________________________________________________________

Tinambangan na naman kami kanina.
Madugo.
Sa paulit-ulit, minsan di ko na kinakaya.
Oo, mahirap lalu kung diskurso na.Tagaktak ang pawis. Mga matang nakamasid. Anumang oras ay handang umulos.
Bawat salita ay binabantayan. Bawat buka ng bibig ay sisiguraduhing tama, dahil kung hindi, “You’re dead!” ika nga.
Pero sadyang kaysarap.
Sa dinami-dami ba naman ng kailangang usigin, sa dami ng kailangang halungkagin, di ko lubos maisip na darating ang oras ng paglisan.

L L L
____________________________________________________








Wala na. Tapos na.

Tinapos ng isang oras ang maliligayang araw sa kwartong di sinisinagan ng araw. Ilang oras ang namayani bago tuluyang nagkasundo ang lamig at dilim.

Naglulupasay sa galak na tinungo ang tarangkahan at dire-diretsong tumakbo. Naiwang nag-iisa ang rostrong nagbigay daan sa diskurso.

Ang dating bahaing loob ng kuwarto ay tinuyot ng alikabok. Ang dating malusog na talakayan ay sinuyo ng nagmamadaling mga yabag. Walang naiwan kundi ang misteryosong rostro sa harapan. Nakapatong ang salamin at ang aklat na niluma ng panahon. Kupas ngunit hitik sa rason.

Madilim na ngunit aninag ang kanyang anino, at ang mahinahong tinig ay pumapailanlang paroo’t parito. Dalisay at matalinghaga kumbaga.

Kung gaano katagal akong tinitigan at pinagtatalakan ng kung anu-anong kalokahan, ganoon din katagal mananatili ang sanlibong katotohanan. Sa kabila ng masisiglang hagalpakan, nananatili ang hiwaga at katotohan sa likod ng bawat akdang inusisa.

Sa loob ng kuwartong ito maamoy si Enkidu, ang tinibag na monumento sa Delhi, at ang sankalan ng mga diyos ng kusina ay maayos na nakahanay sa harapan. Mga bakas ng buhangin mula Kalahari, gulanit na imahe ni Guevarra, at ang lumang bibliya sa harap ng mesita. Saksi ang kwarto sa kamatayan ni Martha at sa mga digmaan sa Gitnang Silangan. Inusisa ang rehimen ni Chavez, Marx, at Mao, at pinag-aralan ang mga taktika ng digmaan ni Tzu.

Pinagtalunan ang mga kaalaman mula kay Freire at sa kung ano ang pamagat ng maiksing tula ni Kitaro. Dumaan sa kapatagan ng Africa bago naipit sa kabi-kabilang giyera. Makailang beses kinwestyon ang kalalakihan at itinaas ang imahe ng kababaihan.

Ang mga tattoo, ang mga makukulay na maskara, ang iba’t-ibang kutis at ang mga palamuti sa pagtatalik. Sinong makakalimot sa kasumpa-sumpang pagkikita sa C-Park. Mga hubad na katawang nagsihanay sa  kahabahan ng daan.

Pumunta sa kalawakan at doo’y nag-imbestiga. Sino ang totoo kina Yaweh at Allah? Sila ba ay totoong magkaiba o iisa? Nakipag-usap sa mga taga ibang planeta at nalamang ang napipintong pagsabog ng planeta.

Nakiiyak sa mga kasaysayan ng mga dakilang manunulat na hindi lamang pawis ang iniluwa, kundi nagbuhos ng sariling laman at dugo sa kanilang mga akdang ating lamang na binababoy.

Nakisaya at umindayog sa iba’t – ibang musika at kulay ng kultura at unti-unting kinilala ang iba’t-ibang bansa.

Natatandaan ko pa ng ako’y maidlip sa gitna ng malusog na talakayan. Hindi na ako nagising pa. Nilipad ng kung saan ang kaluluwa at napadpad sa klaseng puno ng husga. Dito tayo unang nagkita at muling magkikita. Kung ako’y magigising pa ngayong ang kuwarto’y sarado na ay tiyak na suntok sa buwan. Madilim, malamig at nangangamoy luma.

Humahalimuyak ang masangsang na amoy ng pinagsama-samang mga bansa. Ngunit kagila-gilalas ang namumuong kulay na sumambulat sa aking pagdilat. Asul, dilaw, pula. Madami sila. Napakarami nila. Lumilipad at masayang nagsasama-sama. Doon kita nakita. Marahil ako’y kasama nila. Hindi mo makita, dahil sa iba nakapako ang iyong mga mata.

Sa pagpihit ng pintuan, rumagasa ang ilaw ng pagkamangha. Lumiwanag ang kabuuan at nawala ang sigla ng mga kulay. Unti-unting maglaho si Enkidu, si Martha, ang mga tao mula Africa, sina Mao at Tzu, pati ang mga kasangkapang kani-kanila lang ay masayang inaanod ng mga kulay.

Makintab na makintab ang rostro. Tahimik ang madla habang nagsasalita si Dumlavski. Muling naghahasik ng panibagong mga punla. Tinamaan ng isa sa mga buto at ako’y tuluyang nagising.

Sa yaman ng literatura at mga pangitain ay saka pa lamang napansin ang nagtataeng ballpen na malayang inaagusang ng pulang tinta. Basang-basa ang mga papel. Mapula. Madugo.

Mag aalas-dos at masiglang masigla ang talakayan.

            Magsisimula na naman ang tradisyunal na pananambang.

No comments:

Post a Comment